Asiana Airlines, nag emergency landing para iligtas ang 8-anyos na pasahero

Isang flight ng Asiana Airlines galing New York papuntang Seoul, South Korea ang nag emergency landing nang biglang magkasakit ang isang batang pasahero.

Pinahintulutan ang desisyong ito para sa mabilis na paggamot sa bata na ngayon ay mabuti na ang lagay.

Ayon sa Asiana, lulan ng flight OZ221 mula New York patungong Incheon Airport ang batang may apelyidong Choi na bibisita sa South Korea kasama ang pamilya.


Isa’t kalahating oras pa lamang mula nang bumyahe, nagkaroon ng mataas na lagnat at pananakit ng tiyan si Choi.

Agad ipinakonsulta ang bata sa doktor na sakay ng eroplano na nagsabing kailangan siyang madala sa ospital.

Ipinagbigay-alam ang sitwasyon at hiningian ng pag-unawa at kooperasyon ang 470 pasahero ng flight.

Nag-landing sa pinakamalapit na Anchorage airport ang eroplano at agad isinugod sa ospital si Choi.

Dahil dito, nahuli ng apat na oras ang dating ng eroplano sa Incheon airport.

Gayunpaman, nagpalakpakan naman ang mga pasahero nang humingi ng paumanhin sa delay at nagpasalamat sa pag-unawa ang piloto.

Ilang araw matapos ang insidente, sinabi ng airline na nagpadala ng sulat ng pasasalamat ang tatay ni Choi, kasama ang drawing ng 8-taon gulang na bata.

8-year-old Choi’s drawing. Photo by ASIANA AIRLINES

“We thank the flight crew, passengers, pilot, and officers of Flight OZ221 for making the difficult choice of emergency landing and the staff at Anchorage for their rapid treatment of my child,” ayon sa sulat.

Facebook Comments