Aso, inilagay sa compartment ng bus habang ibinabiyahe pa-Masbate

From Facebook/Larry Andrew Molina

Binatikos sa social media ang isang bus company matapos ilagay sa compartment ang isang aso habang bumabiyahe mula Maynila patungong Masbate.

Sa larawang ibinahagi ni Larry Andrew Molina, makikitang halos katabi ng aso ang makina ng bus.

Kuwento ng uploader, sinubukan nilang habulin ang bus para makausap ang drayber o kundoktor pero naipit sila sa trapiko.


“Tahol ng tahol yung aso kaya nakita namin. It means di siya comportable dun. Wasak yung cage niya it means pinilit niyang makawala kase sobrang init dun. Try niyo pumasok dun sa nag sasabing pwede yung aso jan. Try niyo yung init,” giit pa ng netizen.

Ayon sa tsuper at konduktor ng Raymond Bus, hindi nila ito isinakay sa loob ng pampublikong sasakyan dahil sa mga pasaherong maselan sa amoy at balahibo ng naturang hayop.

Depensa ng dalawa, ligtas ang aso roon.

Pero kalaunan, pumayag na silang itabi ang aso sa may-ari nito at maayos silang nakarating ng Masbate.

Pahayag ng dispatcher, hindi talaga puwedeng isakay ang kahit anong alaga sa kanilang bus. Aniya, dapat ipinaalam muna ng drayber at kundoktor kung may kasamang hayop ang pasaherong bibiyahe.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Raymond Bus Transportation kaugnay sa insidente.

Facebook Comments