Matapos ang apat na taon ng matiyagang paghihintay sa tabing-kalsada, nakabalik na sa pamilya ang isang aso sa Thailand–salamat sa social media.
Pumukaw sa atensyon ng netizens ang Facebook post ni Anuchit Uncharoen nitong Sept. 5, tungkol sa aso na naabutan niyang pinapakain ng isang babae sa daan.
Nang makipag-kuwentuhan, nalaman ng uploader na hindi pala alaga ng babaeng nagpapakain ang aso.
Kuwento ng good Samaritan, inuwi niya noon ang aso para alagaan, pero bumalik ito sa kalsada para hintayin ang kanyang amo.
Kahit na tumangging magpakupkop sa bahay, minabuti niyang pagalingan ang sakit sa balat ng aso na noon ay nalalagas na ang balahibo nang una niyang makita.
Regular niya rin itong dinadalhan ng pagkain sa puwesto at kalaunan ay nagpapakain na rin maging ang ibang tao sa lugar.
Dahil kumalat online ang kuwento ng tapat na alaga, nakarating din ito sa totoong amo na agad nakipag-usap sa uploader.
Paliwanag ng amo, 2015 nang mawala ang aso nilang si BonBon na isinama nila sa biyahe papunta sa kanilang kamag-anak.
Hinala nila, tumalon palabas ng sasakyan ang aso kaya bumalik sila para hanapin ito, pero hindi na nakita pa ang alaga.
Inakala nilang patay na si BonBon kaya naman nasabik sila nang malamang maayos ang lagay nito.
Nang puntahan ng amo ang aso, tumanggi itong sumama kahit pa kumakawag-kawag ang buntot nito sa pagkasabik.
Gayunpaman, nangako ang amo na iuuwi si BonBon nitong Sept. 19.