Asphalt Art Street Project, inilunsad sa Pinaglabanan sa San Juan City; Paglipat sa monumento ng ilang mga bayani, dinepensahan ng LGU

Sa layuning pag-ibayuhin pa ang street safety at pagandahin ang public space ay inilunsad ngayong araw sa lungsod ng San Juan ang Asphalt Art Street Project sa Pinaglabanan Street.

Mismong si San Juan Mayor Francis Zamora ang nanguna sa paglulunsad ng proyekto kasama ang kanilang mga private company partner.

Tampok sa Asphalt Art Street Project ang mga bayani ng bansa tulad ni Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at maging ang mga makabagong bayani na mga frontliner na lumaban sa COVID-19.


Samantala, sa isyu ng paglilipat ng mga monumento ng ilang bayani sa Pinaglabanan Shrine ay iginiit ni Zamora na dumaan sa pag-apruba ng konseho at National Historical Commission of the Philippines ang naturang hakbang.

Ito’y matapos ang mga batikos sa paglilipat ng mga monumento dahil mistula umanong itinago ang mga ito sa halip na mas madaling makita at mabigyang pugay ng mga tao.

Paliwanag ni Zamora, national shrine ang Pinaglabanan at sinisimbolo nito ang katapangan at sakripisyo ng mga Pilipino.

Kaya naman, marapat lang umano na doon ilipat ang mga monumento bilang respeto sa mga bayaning nakipaglaban sa tinaguriang Battle of Pinaglabanan.

Dagdag pa ni Zamora, may ugnayan sila sa Department of Tourism (DOT) na masama ang Pinaglaban sa hopping tour sa mga turista sa Metro Manila.

Facebook Comments