AstraZeneca vaccines na malapit nang ma-expire sa June, hindi pwedeng iturok sa A4 priority list

Sa kabila ng nalalapit na expiration ng mga dumating na AstraZeneca vaccines sa bansa, hindi pa rin ito maaaring maiturok sa A4 priority group.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Department of Health (DOH) Usec. Myrna Cabotaje na ang AstraZeneca ay mula sa COVAX Facility at ibinigay nila ito para sa mga nasa A1-A3 priority group o mga medical health worker, senior citizen at may comorbidity lamang.

Kasunod nito tiniyak ni Cabotaje na hindi masasayang ang mga bakuna mula sa AstraZeneca dahil ituturok ang lahat ng mga ito sa A1-A3 priority list.


Paliwanag pa nito, kahapon nagpulong ang ating mga health official kasama ang World Health Organization (WHO) kung saan pumayag nang iturok ang 2nd dose ng AstraZeneca vaccines kahit 4 na linggo pa lamang ang interval sa halip na 12 na linggo.

Lumalabas na mataas pa rin ang antibodies na makukuha pero mas mainam na makumpleto ang 12 linggong interval.

Pero dahil sa nalalapit na expiration nito sa Hunyo, maaari na ring ibigay ang 2nd dose nito upang hindi masayang.

Sa ngayon, nasa 2 milyong AstraZeneca vaccines ang natanggap ng bansa mula sa COVAX Facility.

Facebook Comments