
Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na nakatanggap sila ng intelligence report na namataan ang negosyanteng si Atong Ang sa Vietnam.
Ayon kay Remulla, natanggap nila ang nasabing report nitong nakaraang buwan ngunit bineberipika na nila ang nasabing ulat kung totoo ito o hindi sa mga counterpart sa nasabing bansa.
Dagdag pa ni Remulla, sakaling nasa Vietnam man ang nasabing negosyante ay posibleng dumaan ito sa backdoor sa parte ng Mindanao dahil wala itong record na dumaan sa Bureau of Immigration (BI).
Samantala, tiniyak naman ng kalihim na patuloy ang kanilang isinasagawang search operations laban kay Ang.
Kung saan nasa 200 na ang kanilang na-raid na mga posibleng lugar na pinagtataguan nito, ngunit negatibo ang lahat ng naging operasyon sa mga nasabing lugar.










