Muling naghain ng petisyon sa Korte Suprema si Atty. Larry Gadon upang igiit na maka-access siya sa kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni Associate Justice Marvic Leonen.
Ayon kay Gadon, walang naipakitang malinaw na batayan ang SC nang ibasura ang nauna niyang petisyon dahil nasunod naman niya ang proseso kapareho nang kumuha siya ng SALN noon ni Maria Lourdes Sereno.
Si Sereno ay tinanggal bilang chief justice noong 2018 sa bisa ng quo warranto petition dahil sa hindi pagsusumite ng kaniyang SALN.
Ayon kay Gadon, kapag patuloy na hindi maglalabas ng SALN ang mataas na hukuman ay pagdududahan ito na may itinatago pagdating sa SALN ni Leonen.
Hinimok din ni Gadon ang Office of the Solicitor General (OSG) na ituloy ang paghahain ng quo warranto case laban kay Leonen.