Ayuda para sa mga manggagawa dahil sa ipatutupad na lockdown, pinamamadali ng isang labor group

Iminungkahi ng grupong Nagkaisa Labor Coalition na kinakailangang maaga ang pagbibigay ng ayuda o cash aid sa mga manggagawang apektado sa isasagawang lockdown bunsod ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa darating na Biyernes, August 6, 2021.

Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Atty. Sonny Matula, dapat isaalang-alang ng gobyerno ang paggawa ng paunang pagbabayad ng cash aid o ayuda sa mga pamilyang nakatira sa mga natukoy na lugar upang mailagay sa ilalim ng ECQ3, at upang magamit ang mga linggo ng lockdown sa paglabas ng isang mas mabilis na programa sa pagbabakuna.

Paliwanag ni Atty. Matula na iminungkahi nila ang nasabing paraan upang huwag na maulit pa ang nangyari noong 2020 kung saan nag-lockdown ng Marso ngunit Hunyo saka lamang dumating ang ayuda at marami pa umanong manggagawa ay wala pang natanggap ni isang kusing na ayuda.


Dagdag pa ni Atty. Matula na hinihiling nila sa pamahalaan na i-optimize ang programa ng pagbabakuna sa maraming paraan habang nasa isang lockdown at upang matiyak na ang mga manggagawa sa kalusugan at mga frontliner ay sakop ng hazard pay at iba pang mga benepisyo sa lahat ng oras.

Giit pa ni Atty. Matula na nakalulungkot umano na humigit kumulang ₱105-bilyon ang mawawala sa ekonomiya ng bansa sa oras na maipatupad na ang lockdown pero mahalaga umanong mabigyan ng sapat na ayuda ang mga manggagawang hindi makapaghanapbuhay dahil sa ipatutupad na lockdown.

Facebook Comments