Babae sa viral video na namato ng humidifier sa saleslady, kulong

17261
Contributed Video

Arestado ang isang babae sa Cebu City matapos makuhanan ng isang concerned citizen ng video na namahiya at namato ng humidifier sa isang saleslady.


Sa viral footage, bahagyang nagdugo ang mukha ng empleyadong si Jennifer Fabillar nang matamaan ng binatong gamit ni Medelina Berja Yamazaki, 33-anyos.

Pero kahit nakasakit na, tuloy pa din sa pagwawala si Yamazaki na may kargang sanggol sa mga oras na ‘yon.

Tila hindi pa nakuntento ang ginang at muli niyang binato si Fabillar. Doon na rumesbak ang sales lady pero agad silang naawat ng mga guwardiya at mamimili sa naturang establisyimento.

Nagtalo umano ang dalawa dahil hindi nagkaintindihan sa paggamit ng humidifier, base sa paunang imbestigasyon ng Mabolo Police.

Ayon pa sa pulisya, puwedeng maresolba ang problema sa mahinahong paraan.

Dinakip ang babae sa tinitirahang condominium unit sa uptown Cebu City, pasado alas-5 ng umaga nitong Linggo, Disyembre 8.




Nahaharap ngayon sa reklamong physical injury si Yamazaki at nakakulong sa sub-station ng naturang himpilan.

Tumanggi siya magbigay ng pahayag kaugnay sa insidente.

Facebook Comments