Isa ng ina sa apat na chikiting ang babae sa Australia na ipinanganak na may uterus didelphys–depektong nagreresulta sa pagkakaroon ng dalawang reproductive system–dalawang vagina at dalawang bahay-bata sa isang katawan.
Labing-anim na taong gulang pa lang ang 34-anyos na ngayong si Lauren Cotter nang malaman niya ang tungkol sa kanyang kondisyon matapos ang dalawang taong paghihirap tuwing dinadatnan ng regla.
Nang lumabas sa ultrasound ang kalagayan ni Cotter, binalaan na siya ng doktor na maliit ang tiyansa ng pagbubuntis.
Sumailalim si Cotter sa operasyon para tanggalin ang humahati sa kanyang vagina nang sa gayon ay maging normal pa rin ang kanyang pakikipagtalik.
Habang ang sinapupunan niya naman ay nanatiling hati o dalawa na maaaring magdulot ng pagkalaglag ng bata.
Sa kabila ng lahat, hindi nahirapang makabuo si Cotter at ang kanyang asawang si Ben na nakilala niya noong 17-anyos siya, makalipas lamang ang isang taon mula nang ikasal sila.
Noong 2014 nang isinilang ng mag-asawa ang malusog na panganay na babae nilang anak sa pamamagitan ng Caesarean section.
Makalipas ang isa’t kalahating taon, napagdesisyunan nilang sundan na ang anak at gaya noong una ay wala rin naging problema at agad siyang nabuntis.
Hindi kagaya ng panganay na babae, sa kaliwang sinapupunan naman nabuo ang ikalawang anak nilang lalaki.
Bagaman premature at nagkaroon ng problema sa paglunok noong una ang lalaking sanggol nila na isinilang din nang Caesarian, nakalabas naman ito ng ospital makalipas ang tatlong linggo.
Kasunod nito, nagdesisyon ang mag-asawa na mag-kontrol gamit ang implant na inirekomenda ng mga doktor para sa kanya.
Sinasabing 99 porsyentong epektibo ang contraceptive implant, pero tatlong linggo lang mula nang simulan ito ni Cotter ay muli siyang nagbuntis ng kambal.
Labis itong ikinagulat ng mag-asawa dahil anila nakabubuo lamang sila kapag pinaplano nila.
Kahit pa naging matagumpay ang dalawang naunang pagbubuntis, ikinabahala ng mga doktor niya ang panganib ng pagkakaroon ng dalawang bata sa sinapupunan.
Ngunit, sa tamang buwan ay isinilang ang kambal niyang babae noong Hunyo nakaraang taon.
Nagkaroon man komplikasyon ang isa sa kambal, nalagpasan ng sanggol ang isinagawang operasyon limang araw pa lang ang nakalipas mula nang isilang.
Ngayon, 15 months na at malusog ang kambal na Cotter, pati na rin ang dalawang nauna nilang mga kapatid na may edad lima at tatlo.
Matapos ang huling C-section, ipinatanggal na ni Cotter ang kanyang mga fallopian tube para hindi na muling magulat sa hindi planadong pagbubuntis.
“Ben and I are one super fertile couple, and now we’re happy with things just as they are,” aniya sa PA Real Life.
Ang uterus didelphys ay bihirang kaso na ayon sa mga pag-aaral ay nangyayari sa isa sa 3,000 isinisilang na babae.