ILOCOS SUR – Nais ng pamilya ni Fabel Pineda, ang 15-anyos na dalagitang minolestiya at pinatay umano ng dalawang tauhan ng San Juan Police Municipal Station, na mapanagot din ang babaeng pulis na tumangging magbigay ng proteksyon sa biktima.
Sa panayam ng Stand For Truth, sinabi ng kaanak ng biktima na hindi pinagbigyan ni Staff Sergeant Merly Joy Pascua, women’s desk officer ng Cabugao Municipal Police Station, ang kahilingan nilang seguridad kahit alam nitong minamanmanan ang nagrereklamong kampo.
“Ang sabi niya sa akin, ‘Hindi naman puwede na kayo lang ang binabantayan. Alangan naman na babantayan kayo namin. Kayo na lang ‘yong babantayan namin.’ ‘Yon talaga ang sabi niya,” saad ng tiyuhin ni Pineda.
Giit niya, buhay pa sana ang dalagita kung nakinig at sinuportahan sila ni Pascua.
“Siya ‘yong dahilan kung bakit nabaril ang pamangkin ko. Kung hindi niya sana dinelay-delay, kung natapos sana ng isang araw pagka-blotter, hindi siguro nangyari ‘yon,” pagpapatuloy ng naghihinagpis na tiyuhin.
Ayon naman sa PNP-Cabugao, tinanggal na sa puwesto ang sangkot na babaeng pulis at inilipat muna sa Ilocos Sur Provincial Police Office.
Samantala, tikom pa rin ang bibig ni Pascua kaugnay ng mga paratang sa kaniya.
Matatandaang tinambangan ng riding-in-tandem si Pineda noong Hulyo 2 sa Barangay Daclapan, ilang oras matapos niyang sampahan ng kasong acts of lasciviousness at rape sina Staff Sgt. Randy Ramos at Marawi Torda.