Babaeng Pulis, Patay; 4 Kasama, Sugatan Matapos Maaksidente sa Santiago City

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang babaeng pulis ng City Mobile Force Company (CMFC) habang nasugatan ang apat na kasama matapos sumabog ang kaliwang gulong sa harap ng sinasakyang patrol car at maaksidente sa kahabaan ng national highway sa Brgy Sinsayon, Santiago City.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PSSg Bienvinido Seredio, imbestigador ng PNP Traffic Group Santiago City, pasado alas 4:00 ng hapon ng maganap ang aksidente na ikinasawi ni Patrolman Archelle Duldulao ng probinsya ng Quirino.

Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, patungong bayan ng Cordon ang police car ng CMFC na minamaneho ni Corporal Berna Austria upang salubungin ang mga VIP kasama ang apat na mga pasahero na sina Patrolman Archelle Duldulao, Patrolman Pauline Carlos, Corporal kacelyn Tarayao at Patrolman Riza Mae Laureta.


Habang bumabaybay sa lansangan ang police car ay pumutok ang kaliwang gulong sa harapan nito hanggang sa mawalan ito ng kontrol at umagaw ng linya at bumangga sa konkretong bakod sa harapan ng Villa Ceferina Subdivision.

Nang mapunta sa kabilang linya ang sakay ng mga pulis ay nahagip nito ang kasalubong na Brown Isuzu MUX na may plakang BAA 4477 na minamaneho ni Liza Santos Pua ng Callao, Alicia, Isabela.

Nadamay rin ang dalawang nakasunod sa Isuzu MUX na isang traysikel na mainamaneho ni John Ednard Realin Molina ng Turod Sur, Cordon, Isabela at motorsiklo na minamaneho naman ni Ivan Ray Catolico Sal ng Turod Sur, Cordon Isabela kasama ang backrider na si Aubrey Viundo Labog ng Laurel Centro Norte, Cordon Isabela.

Nahulog at nasawi si Patrolman Duldulao matapos magulungan ng mismong patrol car habang nagtamo ng mga sugat sa katawan ang iba pang kasama.

Ayon pa sa imbestigador, kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa Santiago City ang drayber ng police car maging ang iba pang pulis na nasugatan habang nakauwi na sa kani-kanilang tahanan ang drayber ng mga nadamay na behikulo.

Facebook Comments