BABUYAN SA ISANG BARANGAY SA SIYUDAD NG CAUAYAN, INIREKLAMO

Agad na inaksyunan ng mga opisyal ng Barangay Sillawit dito sa Lungsod ng Cauayan ang isang babuyan na inirereklamo ng mga residente dahil sa masangsang na amoy.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Kagawad Jimmy Valencia, nang maipaabot sa kanila ang naturang hinaing ay agad aniya silang nagtungo sa nirereklamong piggery kasama ang mga kawani ng Sanitation Office para tignan at mainspeksyon ito.

Ayon sa kanya, hindi pa man sila nakakarating sa nirereklamong babuyan, ay malalanghap na ang mabahong amoy na nanggagaling sa babuyan.

Sa kanilang inspeksyon, nakita ang ilang nakabukas na outlet partikular sa lagusan ng mga dumi ng baboy na sanhi ng masangsang na amoy sa lugar.

Nakikiusap naman ito sa kanyang mga kabarangay na hintayin na lamang na mabenta ang mga alagang baboy at kung ano ang gagawing aksyon ng Sanidad.

Kaugnay nito, inilatag na rin ito sa regular session ng City Council ng Cauayan para sa agarang aksyon ng pamahalaang panlungsod.

Facebook Comments