BAGONG BARYA | Sirkulasyon, pinasususpinde muna ng Senado

Manila, Philippines – Ipinasususpinde ni Senate Trade, Commerce and Entrepreneurship Committee Chairman Senator Nancy Binay sa Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ang sirkulasyon ng new generation coins o ang mga bagong disenyo ng barya na makikita ngayon.

Ito ay matapos lumikha ng kalituhan sa publiko ang bagong likhang P5 peso coin kung saan nakaukit dito ang Ama ng Rebolusyon na si Andres Bonifacio.

Giit ni Senator Binay, wala halos pinagkaiba ang bagong limang pisong barya sa piso dahil sa halos kasing laki at ka-disenyo lang ito ng 1peso coin.


Nakakalito aniya ito na maaaring ikalugi ng isang negosyo lalo na sa pagbibigay ng sukli dahil maaaring mapagkamalang piso ang bagong 5 peso coin.

Kailangan pa aniyang suriin kung tama ang naibibigay na sukli o barya dahil sa pagkakapareho ng mga barya.

Hindi aniya ito dapat na isantabi ng BSP dahil bawat inilalabas na bagong disenyo ng bill o coins ay may malaking impact sa kabuhayan at sa ekonomiya ng bansa.

Hiniling din ng senadora na bago maglabas ng mga bagong disenyo ng salapi ay magsagawa muna ng information drive upang hindi nalilito o nabibigla ang publiko.

Facebook Comments