Luna, Isabela – Pinasinayaan ang bagong himpilan ng bumbero sa Luna, Isabela ngayong araw na ito, Disyembre 7, 2017.
Ang naturang bagong istasyon na tinaguriang “Typical Fire Station” na nakadisenyo para sa mga bayan-bayan sa Pilipinas.
Ang istasyon ay nakadisenyo para sa dalawang trak ng bumbero at ito ay itinayo sa inilaang lugar na binansagang “Institutional Site” ng Luna, Isabela.
Sa panayam ng lokal na media kasama ang RMN News ay sinabi ni Luna, Isabela Mayor Jaime Atayde na maliban sa ipinatayo na BFP station sa kanilang “Institutional Site” ay plano din niyang anyayahan ang mga ibat-ibang ahensiya na magtayo ng tanggapan sa lugar.
Samantala, sa panayam naman kay SSupt Joselito Cortez, ang pangrehiyong direktor ng BFP Region 2 ay sinabi niyang malaking bagay na may ibinigay na lugar ang LGU Luna para sa ipinatayong istasyon ng bumbero.
Ang donation ng lupa ang isa kasi umanong pangunahing bagay para sa pagpapatayo ng isang fire station lalo na at dito sa Rehiyon Dos ay marami pang bayan ang walang sariling fire station.
Idinagdag naman ni Mayor Atayde na nagmula sa dating nag-iisang bumbero ng bayan noong siya ay bagong upong alkalde ay nagbunga din ang kanilang naging koordinasyon at suporta sa BFP na ang dulo ay ang pagpapatayo ng istasyon ng BFP sa kanyang bayan.