Bagong hangin sa politika ng Las Piñas

Walo sa 12 konsehal, kumalas sa kampo ni April Aguilar at sumama kay Carlo Aguilar

May lumalakas na sigaw ng pagbabago sa Las Piñas City. Kapana-panabik ang resulta ng eleksyon sa siyudad dahil sa ngayon , walo sa 12 konsehal ng lungsod ang tuluyan nang kumalas sa kasalukuyang administrasyon at opisyal na sumusuporta sa kandidatura ni Carlo Aguilar for Mayor darating na halalan sa Mayo 12.

Hindi biro ang pagbabagong ito. Ang mayorya ng konseho na dating nasa ilalim ng kasalukuyang pamunuan ay bumitaw at ngayon ay sumisigaw ng bagong direksyon para sa lungsod. Sa pulitika, kapag lumilipat ang suporta, may ibig sabihin ito—at malinaw ang mensahe: maraming lider sa lungsod ang hindi na kuntento sa kasalukuyang pamamalakad.


Ayon sa mga konsehal mula sa unang at ikalawang distrito, panahon na para sa tunay na pagbabago sa lungsod. Ang kanilang desisyon ay hindi lamang tungkol sa politika kundi tungkol sa kinabukasan ng Las Piñas at ng mga mamamayan nito.

“Nararamdaman namin na oras na para sa isang bagong direksyon para sa Las Piñas,” pahayag ni Konsehal Louie Bustamante, na tumatakbo bilang bise alkalde. “Kailangan natin ng lider na may malinaw na plano, may malasakit, at tunay na handang makinig sa tao.”

Sumang-ayon naman si Konsehal Ruben Ramos, na matapang na binatikos ang kasalukuyang administrasyon. “Wala tayong nakitang matibay na pamumuno. Ang lungsod natin ay nangangailangan ng isang alkalde na hindi lang nakaupo sa opisina, kundi personal na bumababa sa mga komunidad upang marinig ang totoong hinaing ng mamamayan. Si Carlo Aguilar ang tamang tao para sa trabahong ito,” ani Ramos.

Pagbabago o Status Quo?

Matagal nang pinamumunuan ng pamilya Aguilar ang Las Piñas, ngunit tila hati ngayon ang kanilang suporta. Anila’y nagsimula nang bumagsak at napabayaan ang minamahal nilang lungsod simula noong namatay si Mayor Vergel “Nene” Aguilar noong 2021.

Ang anak ni Nene na si April Aguilar, ang kasalukuyang Bise Alkalde, ay tumatakbo ngayon para maging Mayor, ngunit mukhang mas lumalakas ang kampanya ng kanyang pinsan, ang simpatikong negosyante na si Carlo Aguilar na dati’y nahirang na No. 1 Councilor ng Las Piñas .

Bilang isang “action man,” Nangangako si Carlo na ibangon ang Las Piñas sa pagkalugmok dahil ito ay napag-iwanan na ng ibang siyudad sa Metro Manila. Siya ay lubos na sinusuportahan ng kanyang makapangyarihang tiyahin na si Sen. Cynthia Villar, na tumatakbo naman bilang kongresista.

Isa pang konsehal, si Jess Bustamante, ang nagpahayag ng kanyang suporta kay Carlo Aguilar dahil sa kanyang malasakit sa social welfare programs. “Kailangan natin ng lider na may puso sa tao. Bilang konsehal, nakita ko kung paano tinutukan ni Carlo ang mga pangangailangan ng mahihirap, mula sa edukasyon, kapakanan ng senior citizens, hanggang sa serbisyong pangkalusugan. Hindi siya mananatili lang sa city hall; bababa siya sa hanay ng mga tao at gagawa talaga ng aksyon,” ani Bustamante.

Ano ang kahulugan ng paglipat para sa Las Piñas elections?

Sa biglaang paglipat ng suporta ng walo sa 12 konsehal, malinaw na nagkakaroon ng pagbabago sa pulso ng politika sa Las Piñas. Ang tanong ngayon: sapat ba ang suporta ni Carlo Aguilar upang hamunin ang kasalukuyang sistema?

“Ikinararangal ko ang suporta ng ating mga konsehal. Sama-sama nating bubuuin ang isang Las Piñas na mas maunlad, mas makatao, at mas bukas sa pagbabago!” ani Carlo Aguilar.

Ito ang mga konsehal na sumuporta kay Carlo Aguilar:

First District: Jess Bustamante, Rex Riguera, Oscar Peña, Rey Balanag Second District:Louie Bustamante, Ruben Ramos, Lord Aguilar, Danny Hernandez

Habang papalapit ang halalan, patuloy na gumagalaw ang political landscape sa lungsod. Magwawagi ba ang sigaw ng pagbabago, o mananatili ang kasalukuyang sistema? Sa Mayo 12, ang mamamayan ng Las Piñas ang magpapasya.

Facebook Comments