Nakatakdang ilunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang Information and Communications Technology (ICT) para sa kanilang bagong training program sa cybersecurity.
Ayon kay TESDA Officer-in-Charge Deputy Director General Rosanna Urdaneta, maraming mga mangagawang Pilipino ang maaaring matulungan ng programa na mahasa ang kanilang kaalaman.
Paliwanag pa ni Urdaneta sa ngayon, tinitingnan ang isang posibleng pakikipagtulungan sa gobyerno ng Israel upang matulungan silang bumuo ng regulasyon sa pagsasanay.
Inatasan na rin nito si OIC Executive Director for Information and Communications Technology Jeffrey Ian Dy na pangunahan ang paggawa ng regulasyon sa pagsasanay kasama ng Qualifications and Standards Office matapos nitong dumalo sa 12th Cyberweek sa Tel Aviv, Israel.
Binigyang diin ni Urdaneta na ang TESDA ay nagpapatupad na ng Network Security Associate Level II sa ilalim ng Cybersecurity Selected Training Program (STP) sa National Capital Region (NCR).