Mahigpit ang pagbabantay ngayon ng Pilipinas, partikular ang Department of Agriculture sa bagong klase ng swine flu na “G4” mula sa China na posibleng maging pandemic.
Batay sa pag-aaral ng mga scientist sa Chinese universities at China’s Center for Disease Control and Prevention, ang G4 virus ay genetically na nagmula sa H1N1 strain na nagdala ng pandemya noong taong 2009 at natuklasang naipapasa ng mga baboy sa tao.
Ayon kay Dr. Ronnie Domingo, Officer-In-Charge ng Bureau of Animal Industry, mahigpit na binabantayan ng Philippine Inter-Agency Committee on Zoonoses or Diseases ang G4 virus dahil sa posibilidad na mabilis itong kumalat at magdala ng sakit dahil na rin sa climate change.
Sa interview ng RMN Manila kay Dr. Enrique ‘Eric’ Tayag, DOH Director IV for Knowledge Management and Information Technology Service, taong 2014 pa ay may mga pag-aaral na hinggil sa G4 virus na mula sa Human Influenza Virus, Avian Influenza Virus at Swine Virus.
Paglilinaw ni Tayag, hindi nakamamatay, wala pang person to person transmission at patuloy ang pag-aaral ng mga eksperto sa bakuna laban dito.
Sa ngayon ay nananatiling “G4 free” ang Pilipinas at patuloy ang ginagawang pagsusuri ng BAI sa mga baboy sa bansa.
Nabatid na matagal nang ipinagbabawal ng bansa ang pag-iimport ng baboy at manok sa China dahil sa Bird Flu at Foot and Mouth Disease.
Matatandaang hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nasusugpo ang African Swine Fever na pumatay naman sa daan libong mga baboy sa buong bansa