Hinikayat ng ilang grupo ang mga Pilipino na patuloy na suportahan ang mga hakbang na naggigiit sa karapatan sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon sa Alliance of West Philippine Sea at Pinoy Aksyon, nararapat lamang na maipakilala sa buong mundo ang bagong mapa ng Pilipinas na ipinapakita na kasama ang mga inaangkin na teritoryo ng bansa.
Kasunod na rin ito ng paglagda sa Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act na nagdedeklara sa maritime zones alinsunod sa standards na itinakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sa pamamagitan daw kasi nito ay mapapalakas ang legal na pag-angkin ng Pilipinas sa pinag-aagawang karagatan.
Ayon kay Ron Delos Angeles, kinatawan ng Alliance of WPS, hindi lamang ito basta mapa, kundi deklarasyon ng soberanya ng bansa at hakbang na rin para sa isang rules-based maritime order.
Panawagan naman nila sa pamahalaan, madaliin na ang paglalabas ng mapa upang makuha ang suporta ng iba pang mga bansa.