
Aminado si Dr. Edwin Mercado na malaking hamon ang kanyang kinakaharap sa pag-upo bilang bagong pinuno ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Mercado na nakikita niya ang PhilHealth na may sakit na kailangan gamutin para maging maganda ang serbisyo.
Pero bilang doktor, sanay naman aniya si Mercado na maramdaman ang hinaing ng mga pasyente.
Ayon kay Mercado, una niyang titingnan ang mga proseso sa Philhealth kung paano magiging mas episyente ang serbisyo.
Tututukan nito ang digitization para mapabilis ang proseso ng claims dahil ilang porsiyento nito na bumabalik sa mga ospital ay dahil lang sa minor issues tulad na lamang ng maling spelling at kulang na attachments.
Bukod dito, nakakatutok din ngayon ang PhilHealth sa pagpapalawig ng mga benepisyo alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.









