Bagong polisiya, ipinalalatag para maibaba ang presyo ng mga bilihin

Pinamamadali ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang pamahalaan sa paglalatag ng mga kinakailangang polisiya para mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ito ay bunsod ng 4.5% inflation rate na naitala sa buwan ng Abril kung saan major contributors dito ang food at non-alcoholic beverages na nasa 40.9% at mula sa porsyentong ito, 22.1% sa mataas na inflation sa pagkain ay mula pa rin sa karneng baboy.

Ayon kay Quimbo, dahil sa latest figures na ito ay mas dapat na kumilos ang gobyerno para agad na mapababa ang presyo ng pagkain.


Ito aniya ang dahilan kaya naihain ng kongresista ang House Bill 9256 o ang Affordable Pork Act of 2021 na nagbibigay ng kapangyarihan sa pamahalaan na bumili ng karneng baboy direkta sa mga local producers tuwing panahon ng emergency.

Makakatulong aniya ito para makabangon ang mga hog raisers sa bansa, maging competitive sa mga imported na karne at maibaba ang retail prices ng baboy sa merkado.

Pero ang panukalang ito ay temporary basis lamang kaya kailangan pa rin ng pamahalaan na maglatag ng mas permanenteng solusyon para mapatatag at maibangon nang husto ang local pork industry ng bansa.

Facebook Comments