Cauayan City, Isabela- Ibabalik na ng LGU Echague ang mga checkpoint simula sa lunes, March 22, 2021 na bahagi ng bagong protocol na ipatutupad ng naturang bayan.
Sa kanyang facebook post, sinabi ni Mayor Francis Faustino ‘Kiko’ Dy na mandatory ang pagkuha ng dalawang kopya ng certificate sa employer kung saan nagtatrabaho ang isang residente mula sa labas ng bayan kalakip dito ang mga impormasyon gaya ng kung anong oras at araw pumapasok at isusumite ito sa tanggapan ng Barangay Kapitan at sa Municipal Administration Office.
Ayon pa sa alkalde, ang mga residente naman na nais magtungo sa labas ng bayan para bumili ng mga pangunahing pangangailangan o di kaya ay magtutungo sa bangko, mga tutugon sa emergency ay kakailanganing kumuha ng travel pass sa Rural Health Unit (RHU).
Sinabi pa ng opisyal na kailangan na tatlong (3) araw bago ang mismong araw ng pag-alis ay kumuha na ng travel pass upang maibigay kaagad ng mga tauhan ng RHU.
Maliban pa dito, hihigpitan pa lalo ang pagdaraos ng social gatherings at kung nais talaga na maidaos ang isang pagtitipon ay kailangang magsumite sa RHU ng kaukulang dokumento ukol sa gagawing selebrasyon at susuriin kung papayagan ang pagdaraos nito.
Sa ngayon ay nasa higit 60 na ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Echague.