
CAUAYAN CITY — Isang bagong silang na sanggol ang natagpuan ng isang lola sa isang damuhan sa gilid ng kalsada sa Sitio Genato, Barangay Villa Flores, Santa Fe, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Police Master Sergeant Diana Foronda, imbestigador ng kaso, narinig ng lola ang iyak ng sanggol at agad niya itong natagpuan na nakabalot sa puting tuwalya. Dahil nasisikatan ng araw, ipinakuha niya ito sa isang binatilyo upang mailigtas mula sa posibleng panganib.
Batay sa mga obserbasyon, tinatayang may timbang na 2.6 kilo ang sanggol, dahilan upang isiping posibleng teenager ang ina nito. Ang sanggol, na isang babae, ay masuwerteng hindi naabot ng mga insekto o hayop sa paligid.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa tulong ng CCTV footage mula sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng taong nag-abandona sa sanggol.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Santa Fe ang sanggol. Posible ring sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Child Abuse Law ang mga magulang o taong responsable sa insidente.