Bagong thermal scanners, inilagay sa ilang istasyon ng LRT line 1

Para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero, naglagay ng bagong thermal scanners ang pamunuan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) sa entrance ng mga piling istasyon ng LRT line 1.

Ito’y bilang bahagi ng health at safety measures laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa pahayag ng LRMC, ang forward looking infrared set-up na halos kapareho ng ginagamit sa Taiwan ay kayang mag-detect at mag-automatic alarm kapag mataas ang temperatura ng isang pasahero.


Ang nasabing thermal scanning system ay gagamitin sa istasyon ng LRT partikular sa Monumento, Roosevelt, Doroteo Jose, Gil Puyat, EDSA at Baclaran na may maraming pasaherong naitatala araw-araw.

Ang nasabing hakbang ng LRMC ay bahagi ng kanilang investment sa teknolohiya para matiyak ang kaligtasan ng mga commuter laban sa COVID-19.

Pinayuhan din ang mga pasaherong hindi maganda ang pakiramdam at may sintomas ng trangkaso na huwag nang bumiyahe lalo na’t sa guidelines ng LRMC ay hindi papapasukin ang mga may temperatura na lalampas sa 37.6 degrees celsius.

Una nang naglagay ng disinfection at sanitation facilities at equipment sa LRT line 1 bilang bahagi ng requirement ng Inter-Agency Task Force (IATF) bago magbalik-operasyon sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Facebook Comments