Kumikilos pa-hilagang kanluran ang tropical depression Falcon.
Namataan ito sa layong 855 kilometers silangan ng Casiguran, Aurora o 890 kilometers silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Napanatili nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong nasa 65 kilometers per hour.
May bilis itong nasa 30 kph.
Nakataas ang tropical storm wind signal number 1 sa Northern Isabela, Cagayan at Batanes.
Ayon kay DOST-PAGASA weather specialist Ariel Rojas – posibleng lumakas at maging tropical storm ang bagyo bago mag-landfall sa extreme northern Luzon bukas ng hapon o gabi.
Pero ngayong araw asahan ang mahina hanggang sa katamtaman na may paminsan-minsang malalakas na ulan sa Mimaropa, Western Visayas, Zamboanga Peninsula at Bangsamoro Region.
Bukas (July 17), magiging katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ang iiral sa Ilocos Region, Cordillera, Cagayan Valley, Zambales, Bataan at Mindoro provinces dahil sa pinagsamang epekto ng bagyong Falcon at pinalakas na hanging habagat.
Sa Metro Manila, Calabarzon, Western Visayas at natitirang bahagi ng Central Luzon at Mimaropa ay magkakaroon lamang ng mga mahihinang ulan.
Posibleng makalabas ng bansa ang bagyo sa Huwebes ng hapon.
Maglalabas ng panibagong bulletin ang PAGASA ngayong alas-5:00 ng umaga.