Manila, Philippines – Pumalo na sa higit 1,121 indibidwal ang nagkaroon ng leptospirosis sa National Capital Region (NCR) kung saan 100 na ang naitalang nasawi.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakalulungkot na marami ang namamatay sa leptospirosis gayung napaka-simple ng sakit at madaling magamot.
Sa kabila nito, tiniyak ng kalihim na sapat ang ipinamimigay na prophylaxis at doxycycline antibiotics sa evacuation areas sa NCR.
Mahigpit rin aniya ang monitoring nila at ng city health offices para masigurong hindi hahantong sa malalang kumplikasyon ang mga nagkakaroon ng leptospirosis.
Hindi naman ipinapayo ng DOH ang pag-inom ng doxycycline at prophylaxis sa mga buntis at mga bata dahil mayroong ibang antibiotics na ibinibigay sa mga ito.
Muli ring nagpaalala ang DOH sa publiko na kung lulusong sa baha ay magsuot ng bota.
Kung hindi maiiwasan, agad magpakunsulta sa doktor para mabigyan ng pangontra sa leptospirosis.