Mangiyak-ngiyak na isinasalaysay ni Alyas Ana ang pangyayari matapos malooban ang kanilang bahay dito sa isang sitio sa Barangay Bonuan Binloc, Dagupan City.
Ayon sa salaysay ni Alyas Ana, hindi niya tunay na pangalan, nagde-devotion umano siya sa loob ng kaniyang kuwarto nang makarinig siya ng kaluskos sa kanilang sala.
Noong una, inakala niyang ate niya lamang ito, ngunit napansin niyang may nagtutulak na sa pintuan ng kaniyang kuwarto. Aniya, hindi ito pangkaraniwan sa kanilang tahanan dahil kumakatok muna ang kaniyang mga kapamilya bago pumasok sa kaniyang kuwarto.
Makikita naman sa CCTV footage ang aktuwal na panloloob ng hindi pa nakikilalang lalaki kung saan pumasok sa bintana ng bahay.
Nilinaw ni Alyas Ana na wala umanong anumang kagamitang nakuha ang suspek. Gayunman, mas mabigat para sa kanila ang takot na iniwan ng insidente, lalo na pagdating sa kanilang kaligtasan at seguridad sa loob mismo ng kanilang tahanan.
Dahil sa insidente, mas doble-ingat na ngayon ang pamilya upang maiwasang maulit ang kahalintulad na pangyayari at masiguro ang kanilang seguridad.
Samantala, nakatakda namang kunan ng pahayag ng IFM News Team ang pamunuan ng Barangay Bonuan Binloc upang alamin ang magiging kaulang aksyon kaugnay sa nasabing insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








