Paspasan na ang pagtatayo ng Crisis Center for Women and Girls for Luzon na layong magbigay ng tulong at suporta sa mga kababaihan at kabataang nahaharap sa mga suliranin sa mental health.
Ang proyektong ito ay nagsimula bilang pangako ni Pangasinan Fourth District Congresswoman Gina de Venecia sa kanyang mga nasasakupan noong panahon ng kampanya, matapos siyang maalarma sa lumalalang problema sa mental health sa kanilang distrito.
Ngunit mula sa isang pangakong nakatuon sa kanyang mga kababayan, mas lumawak pa ang adhikain ni Manay Gina matapos siyang mahalal at mapiling Co-President ng Association of Women Legislators Foundation, Inc. o AWLFI sa Kamara.
Sa tulong ng samahan na binubuo ng mga babaeng mambabatas sa Kongreso, katuwang si Co-President at Representative Linabelle Villarica, ang dating pangako ay naging isang pambansang proyekto.
Kasalukuyang itinatayo sa Alabang, Muntinlupa City ang naturang Crisis Center sa pangunguna ng AWLFI, katuwang ang Senado, Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways, Muntinlupa City Government at CSFI.
Nagbigay naman ng libreng serbisyo ang Archion ni Architect Dan Lichauco na siyang nagdisenyo ng pasilidad.
Bahagi rin ang proyekto ng pagsuporta ng Kamara sa adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugunan ang mga suliranin sa mental health sa bansa.
Plano ring magkaroon ng mga katulad na Crisis Center sa Luzon, Visayas at Mindanao, habang hinihikayat din ang mga kongresista na magtayo ng sariling pasilidad sa kani-kanilang mga distrito upang mas mailapit ang serbisyo sa mga nangangailangan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







