Nagsisilbing babala sa publiko ang magkakasunod na insidente ng sunog sa ilang bahagi ng Pangasinan, kasabay ng patuloy na pagtaas ng temperatura at epekto ng El Niño.
Kabilang sa mga naitalang insidente ang sunog sa isang tindahan ng plasticware sa Calasiao noong Nobyembre 2 at sa isang bahay sa Barangay Bonuan Gueset, Dagupan City noong Nobyembre 4.
Kamakailan lamang ay naganap din ang pagsabog na sinundan ng sunog sa isang hinihinalang ilegal na pagawaan o imbakan ng mga paputok sa bayan ng Malasiqui.
Lalong pinangangambahan ang panganib ng sunog sa gitna ng matinding init ng panahon, matapos umabot sa 43 degrees Celsius ang heat index sa Dagupan City noong Nobyembre 3, na pasok sa danger category batay sa tala ng DOST-PAGASA.
Sa panayam ng IFM Dagupan, sinabi ni SFO II Henry S. Datuin ng Bureau of Fire Protection (BFP) Dagupan na patuloy ang kanilang kampanya upang paalalahanan ang publiko sa mga hakbang na dapat gawin upang maiwasan ang sunog ngayong tag-init.
Bukod sa pag-iingat sa paggamit ng mga bagay na maaaring pagmulan ng apoy, pinayuhan din ng BFP ang mga residente na regular na inspeksyunin ang kanilang mga kagamitang elektrikal.
Kabilang dito ang pagsuri sa mga saksakan, kawad at iba pang electrical appliances upang agad na matukoy ang mga posibleng sira na maaaring magdulot ng short circuit at sunog.
Muling pinaalalahanan ang publiko na huwag balewalain ang mga panganib na maaaring pagmulan ng sunog at palaging pairalin ang pag-iingat upang maprotektahan ang buhay at ari-arian. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








