Bakbakan sa San Mariano, Isabela, Dalawang NPA Patay

San Mariano, Isabela- Patay ang dalawang kasapi ng New People’s Army o NPA sa engkwentrong nangyari sa pagitan nila at ng Alpha Company, 86IB, Philippine Army sa Sitio Lumalog, Brgy Cadsalan, San Mariano, Isabela.

Sa nakalap na ulat ng DWKD 98.5 RMN News Team mula kay Army Captain Jefferson Somera, pinuno ng Department of Public Affairs Office (DPAO) at tagapagsalita ng 5ID, Philippine Army, habang nagpapatrolya ang Alpha Company ng 86 IB ay kanilang nadiskubre ang isang kampo na may lawak na 500 kuwadrado metro at may nakatayong 38 na tolda.

Nagsipagtakbuhan at inabandona ng mga NPA ang kanilang kampo matapos ang 25 minutong bakbakan. Nagresulta ang sagupaan sa pagkamatay ng dalawang kasapi ng NPA at pagkarekober ng isang shotgun at Cal. 22 rifle. Walang nasawi o nasugatan sa panig ng pamahalaan.


Sa dagdag pa na impormasyon ng RMN Cauayan News Team, bago pa man umano nangyari ang engkwentro ay nalaman na ng 86IB, Philippine Army sa pamamagitan ng mga text messages na may mga armado sa nasabing lugar at karatig na barangay na nangingikil ng pagkain at pera sa mga magsasaka kayat agad daw nila itong tinugunan. Habang nagpapatrolya ang Alpha Company bandang alas 4:30 ng madaling araw ng Agosto 28, 2017 sa naturang lugar ay bigla na lamang sila umanong pinaputukan na siyang pinagmulan engkuwentro.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Commanding Officer ng 86IB na si LTC Jose Vladimir Cagara sa pamilya ng dalawang nasawing NPA kasabay ng kanyang kalungkutan sa naturang pangyayayari. Dagdag pa ng opisyal na hindi na sana kailangang mangyari ang kahalintulad na insidente kung susuko ang mga NPA upang mamuhay ng mapayapa kasama ang kanilang pamilya at para makamit na ang hangad na kapayaan sa bansa.

Inaalam pa sa ngayon ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawing NPA sa tulong ng mga opisyal ng barangay at PNP ng San Mariano, Isabela habang patuloy ang pagtugis ng militar ang mga iba pang myembro ng NPA na umabandona sa nakubkob na kampo.

Facebook Comments