Bakuna bus vaccination, ikinakasa ng Philippine Red Cross sa isang unibersidad sa Maynila

Isinasagawa ngayon ng Philippine Red Cross (PRC) ang Bakuna bus vaccination sa University of the East campus sa lungsod ng Maynila.

Sinimulan ang pagbabakuna ng alas-9:00 ng umaga kung saan target ng Philippine Red Cross (PRC) na mabakunahan ang nasa 400 na indibidwal.

Kabilang dito ang mga estudyante at miyembro ng faculty ng nasabing unibersidad.


Ang hakbang ng PPRC ay bunsod na rin ng paghahanda ng pamunuan ng UE sa pagsasagawa ng face-to-face classes ngayong nasa Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR).

Isa rin itong paraan ng PRC para masigurong ligtas ang pagbabalik eskwelahan ng mga estudyante gayundin ang pagbabalik sa trabaho ng mga empleyado ng UE.

Nagpapasalamat naman si UE Student Council President Raymond Raph Cayabyab sa ginagawang vaccination program ng PRC dahil malaking tulong ito upang masigurong may panlaban sa COVID-19 ang mga estudyante at mga empleyado habang mababawasan ang pangamba ng kani-kanilang pamilya.

Nabatid na bukod sa UE, una nang nagsagawa ang PRC ng Bakuna bus vaccination sa UP Manila kung saan nasa 300 ang bilang ng nabakunahan.

Ikakasa rin ng PPRC ang Bakuna bus vaccination sa Batangas State University, Cavite State University, St. Dominic College sa Cavite at St. Louie College sa Mandaue, Cebu.

Facebook Comments