Balanse at matatag na imports at domestic supply ng karneng baboy, pinatitiyak ng isang kongresista

Nanawagan si Albay Rep. Joey Salceda sa Department of Agriculture (DA) na alalayan ang mga small players, farmer groups at domestic swine industry sa pakikilahok sa merkado ng importasyon.

Kasunod ito ng pinakahuling datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na napanatili ang 4.5% ang inflation rate ngayong Abril kung saan major contributor pa rin sa mataas na inflation ang karne ng baboy na nasa 22.1%, na siyang pinakamataas ngayong taon.

Ayon kay Salceda, bagama’t may reserbasyon siya sa Executive Order 128 ay hinimok niya na bigyan ng pagkakaton ito dahil naging batas na.


Sa ilalim ng EO 128 ay itinataas ang Minimum Access Volume (MAV) at ibinababa ang taripa ng imported na karneng baboy para tugunan ang kakulangan sa suplay at mahal na presyo ng baboy sa merkado.

Marami na rin umano siyang iminungkahi na pangmatagalang solusyon sa pamahalaan pero ito ay mangangailangan pa ng panahon kaya ang mainam sa ngayon ay ang agarang pagpapatatag sa suplay sa pamamagitan ng pagbabalanse sa imports at domestic supply.

Pinaglalatag ni Salceda ang DA ng mekanismo para payagan ang mga kooperatiba ng mga magsasaka na mag-angkat ng karneng baboy mula sa mga pinagsamang maliliit na import orders.

Pinatitiyak din na ang mga domestic players tulad ng mga backyard hog raisers na siyang bumubuo sa 70% pork production ay dapat na protektado laban sa outbreak ng African Swine Fever (ASF).

Facebook Comments