Simula sa susunod na linggo, tatanggap na ng aplikasyon ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa kanilang reintegration livelihood project na “Balik Pilipinas, Balik Hanapbuhay Program.”
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, layunin ng programa na tulungang makapagsimula ang mga repatriated Filipino migrant workers.
Sinabi pa ni Cacdac na sa unang sigwada ng programa ay inaasahang nasa 50,000 OFWs ang makikinabang kung saan may nakalaan na ₱700-million na pondo para rito.
Paliwanag pa ng opisyal, ang naturang “Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program” ay isang livelihood support o assistance na nagbibigay ng hanggang ₱20,000 bilang start-up o additional capital para sa kabuhayan ng mga returning OFWs.
Giit pa ni Cacdac, paghahanda na rin ito ng ahensya sa inaasahang pagdagsa ng mga uuwing OFWs sa bansa na posibleng umabot sa 300,000 hanggang bago matapos ang taon bunsod ng kawalan ng hanapbuhay sa ibayong dagat dahil pa rin sa epekto ng COVID-19 pandemic.