40 gramo ng shabu, nasamsam sa Makati City; mga suspek, arestado

72

Timbog ang dalawang lalaking tulak umano ng ilegal na droga sa lungsod ng Makati matapos ikasa ang buy-bust operation laban sa kanila pasado alas-4:20 kahapon ng hapon.

Nakilala ang mga suspek na sina Kalel Valle Bacud, 32-anyos, residente ng Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati City at Jovan Banaskao Hilario, 22-anyos, nakatira sa Brgy. Pinagsama, Taguig City.


Nakuha mula sa kanila ang 40 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang ₱272,000.

Maliban dito, narekober din ng mga pulis ang ₱2,000 na ginamit bilang buy-bust money, maliit na timbangan, ilang drug paraphernalia at motorsiklo na ginamit ng mga suspek.

Ginawa ang nasabing operasyon matapos makumpirma ang illegal drug transaction ng poseur buyer sa mga suspek sa may kahabaan ng Escuela St., Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati City.

Nakakulong na ang mga suspek sa Makati Central Police Station at nahaharap ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments