Manila, Philippines – Isa na namang batch ng undocumented OFWs mula sa gitnang silangan ang dumating sa bansa kaninang umaga.
Ayon sa MIAA media affairs division, 30 undocumented OFWs mula Abu Dhabi ang dumating kaninang 09:07 ng umaga sakay ng Philippine Airline flight PR 657 sa Terminal 1.
Sinalubong ng OWWA repatriation team ang mga umuwing OFWs.
Samantala, nilinaw ng OWWA na walang tatanggapin na 5k na financial assistance mula sa OWWA at DFA, ang mga returning OFWs, dahil hindi naman sila sakop ng amnesty program.
Ang mga ito ay nagtungo sa gitnang silangan sa pamamagitan ng tourist visa.
Tanging livelihood assistance na 20k sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program at transportation allowance ang ipagkakalob sa mga returning OFWs.
Ang mga walang uuwian sa Metro Manila ay pansamantalang tutuloy sa OWWA center sa Pasay City.