Balik Probinsya ng Benito Soliven, Ipagpapatuloy

Cauayan City, Isabela- Itinuloy na rin ng pamahalaang lokal ng Benito Soliven ang Balik Probinsya Program para sa mga locally stranded individuals (LSI) sa National Capital Region o sa iba pang panig ng bansa.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Roberto Lungan, dalawang araw nitong pansamantalang itinigil ang ‘Balik Probinsya Program’ dahil sa kakulangan ng pasilidad para sa mga uuwi subalit sa kasalukuyan ay itinuloy na ito dahil mayroon ng bagong isolation facility na matatagpuan sa brgy. Yeban Norte sa naturang bayan.

Ipinagpatuloy aniya nito ang pagpapauwi sa mga na stranded sa ibang lugar dahil sa pakiusap ng kanilang mga kaanak at hirap na rin umano ang kanilang sitwasyon sa Metro Manila.


Bagamat ipinagpatuloy ang naturang programa ay ipinapakiusap naman nito sa mga umuuwi na sumunod sa safety measures at protocol laban sa COVID-19.

Mayroon na aniyang mga naunang nagtapos sa 14-days mandatory quarantine sa kanilang pasilidad at ngayon ay mayroon na lamang 40 indibidwal ang naka-quarantine sa Central school.

Inaasahan din aniya ang pagdating ng maraming LSI at kanyang tiniyak na madadala lahat ng mga ito sa mga itinalagang quarantine facilities.

Dagdag pa niya, mahigpit nang susuriin ang mga pumapasok na cargo o delivery trucks na galing sa Metro Manila at hindi na papayagang dumeretso ang mga ito sa kanilang tahanan upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit na COVID-19.

Nagpapasalamat naman ang alkalde sa kanyang mga kababayan dahil sa ipinapakitang kooperasyon na layong mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa naturang bayan.

Facebook Comments