Balik Probinsya Program, Ititigil muna ng Bayan ng Aurora

Cauayan City, Isabela- Pansamantala munang ihihinto ngayon ng bayan ng Aurora ang pagpapauwi sa mga locally stranded individuals sa ibang mga lugar o sa Metro Manila.

Ito ang sinabi ni Mayor Joseph Christian Uy kasunod ng tatlong (3) panibagong kaso ng COVID-19 na naitala sa naturang bayan.

Humihingi naman ng pang-unawa ang alkalde sa naging desisyon nito dahil hindi na aniya sasapat ang kanilang inilaang quarantine facilities kung ipagpapatuloy pa ang Balik Probinsya Program ng pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.


Gayunman ay gumagawa na aniya sila ng paraan upang magkaroon ng sapat na pasilidad ang bayan ng Aurora.

Nanawagan naman ito sa kanyang mga kababayan na nasa ibang lugar na nais umuwi na hanggat maaari ay huwag munang umuwi dahil sa ngayon ay puno pa aniya ang mga quarantine facilities at hindi naman aniya ito papayag na mag-home quarantine lang ang mga umuuwi.

Hinihimok nito ang mga kababayan na makipagtulungan sa mga kinauukulan na sabihin agad kung may mga patagong umuuwi sa bayan ng Aurora mula sa Metro Manila na hindi dumaan sa tamang proseso.

Sa kasalukuyan ay mayroon ng apat (4) ang naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Aurora.

Facebook Comments