Cauayan City, Isabela- Inaasahang bubuksan muli ng pamahalaang panlungsod ng Ilagan ang Balik Probinsya Program para sa mga nais umuwi sa Lungsod na na-stranded sa Metro Manila o sa ibang mga malalayong probinsya.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, tagapagsalita ng City of Ilagan, kanyang nilinaw na mayroong prayoridad ang City government sa naturang programa gaya ng mga studyante o mga manggagawa na stranded dahil sa lockdown at gusto nang umuwi sa Lungsod.
Kinakailangan lamang na makipag-ugnayan sa Mayor’s Office at kumuha ng travel pass at medical certificate sa lugar kung saan manggagaling.
Kung naayos na ang pangalan ng mga uuwi sa siyudad ay susunduin na ng sasakyan ng LGU Ilagan.
Pagdating sa Lungsod ng Ilagan ay idederetso pa rin ang mga ito sa mga quarantine facilities para sa kanilang 14-days mandatory quarantine.
Wala aniyang magiging problema ang mga sasailalim sa strict quarantine dahil sasagutin ng City Government ang kanilang mga pagkain at kung matapos na ang kanilang 14-days quarantine ay maaari na silang pauwiin sa kani-kanilang tahanan na may kasamang food packs.
Sa ngayon ay nasa mahigit 100 katao na ang nagtapos sa naturang programa na sumailalim ng 14-21days mandatory quarantine sa mga inilaang pasilidad sa Lungsod.
Samantala, nasa 3rd wave na ang kanilang pagbibigay ng relief packs sa lahat ng mga pamilya sa Lungsod ng Ilagan kahit na nasa General Community Quarantine na ang Probinsya ng Isabela kung saan nasa 30 libong food packs na ang naipamudmod sa 40 na mga barangay nitong mga nagdaang araw.