Cauayan City, Isabela- Ipinag-utos ni Mayor Josemarie Diaz ng City of Ilagan ang pansamantalang pagpapatigil sa ‘BALIK-SIYUDAD’ Program ng pamahalaan para sa mga uuwing Overseas Filipino Workers (OFWs) at Locally Stranded Individuals (LSIs).
Ayon kay City Information Officer Paul Bacungan, ito ay dahil sa umakyat na sa mahigit 200 katao ang nasa anim (6) na quarantine facility ng siyudad na hindi na pinapayagan pansamantala ang dagdag na bilang ng mga uuwi dahil na rin sa ipinapatupad na health protocols.
Aniya, hahanap pa ng karagdagang pasilidad upang magamit ng iba pang uuwing manggagawa sa lungsod.
Samantala, agad na isinailalim sa isolation facility ang nasa 50 katao na bahagi ng ‘contact tracing’ matapos magpositibo ang isang OFW mula sa bansang Riyadh, Saudi na residente ng Brgy. Alibagu, City of Ilagan.
Sa ngayon ay hihintayin nalang ang resulta ng swab test ng mga nakasalamuha ng pasyente kabilang ang kanyang pamilya.
Nananawagan naman ang Lokal na Pamahalaan ng Ilagan na manatiling kalmado at huwag basta maniwala sa mga lumalabas na maling impormasyon na posibleng pagmulan ng pangamba ng nakararaming Ilagueño.