Cauayan City, Isabela – Nagreklamo sa tanggapan ng PNP Cauayan City ang drayber ng ten wheeler wing van matapos na mabangga ito ng kasalubong na na izusu forward closed van kaninang madaling araw sa Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang driver ng ten wheeler na si Amado Tangalin Jr., 41 anyos, walang asawa at residente ng Subic Zambales habang ang nakabangga ay kinilalang si Crisostomo Joey Alvaro Jr., bente otso anyos at nakatira sa Brgy. Nappacu Pequeño, Reina Mercedes, Isabela.
Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan, bumabaybay umano sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Tagaran si Tangalin patungong north direction samantalang nasa kasalungat na bahagi ng daan si Alvaro.
Dahil umano sa mabilis na patakbo ni Alvaro ay nabangga nito ang nakaparada sa gilid ng daan na isang forward truck na sanhi ng hindi pagkakakontrol nito sa kanyang minamanehong sasakyan kung saan ay nahagip naman nito ang linya ni Tangalin na dahilan rin pagkakapinsala ng sasakyang minamaneho nito.
Samantala, napag-alaman na positibo sa alak si Alvaro at hindi naman matukoy hanggang sa ngayon ang halaga ng pinsala ng sasakyang minamaneho ni Tangalin at nakahanda umanong magsampa ng kaso laban kay Alvaro.