Bangkay ng Lalaki na Halos Humiwalay ang Ulo, Natagpuan

Cauayan City, Isabela- Halos humiwalay na sa katawan ang ulo at natanggal na ang kaliwang bahagi ng kamay nang matagpuan ang isang lalaki partikular sa Sitio Diwagden, Barangay San Jose, San Mariano, Isabela.

Nakilala ang biktima na si Carlos Zalun, 54 taong gulang, byudo, caretaker at residente ng Brgy Ibujan, San Mariano, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SSg Rogelio Ignacio Jr, imbestigador ng PNP San Mariano, nadiskubre ni Sonny Boy Castillo, 27 taong gulang, residente ng Brgy. Zone 2 ng naturang bayan ang kalunos-lunos na sinapit ng biktima nang hatiran nito ng pagkain sa pinagbabantayan nitong tubuhan.


Agad nitong iniulat sa himpilan ng pulisya ang insidente na agad namang nirespondehan ng kapulisan.

Ayon sa imbestigador, isa sa kanilang tinitignang motibo sa krimen ay dahil sa lupa.

Nabatid na mag-isa lamang na naninirahan sa isang kubo ang biktima sa farm na pagmamay-ari ni Gundalino Calinggal, nasa hustong gulang, may-asawa at residente naman ng Barangay Zone 2, San Mariano, Isabela.

Sa ngayon ay kasalukuyan pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nangyaring krimen at para sa pagkakakilanlan at ikadarakip ng salarin.

Inihahanda na rin ng pulisya ang kasong murder o pagpatay na isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments