*Cauayan City, Isabela*- Patuloy ang isinasagawang retrieval operation sa isang lalaki na hinihinalang nalunod sa kasagsagan ng pag uulan na dahilan ng malawakang pagbaha sa ilang bayan sa Lalawigan ng Isabela.
Kinilala ang nawawalang biktima na si Domingo Bacani, 43 anyos, isang karpintero at residente ng Brgy. Fermeldy, Tumauini, Isabela.
Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula kay PSSg. Richard Omar Acierto ng PNP Tumauini, lumabas sa imbestigasyon na pinagbawalan ang biktima ng mga opisyal ng barangay na huwag tumawid sa lugar na mataas ang pagbaha ngunit hindi ito tumalima sa abiso ng mga opisyal hanggang sa naanod ito ng rumaragasang tubig.
Samantala, idineklarang dead on arrival ang biktima na isang magsasaka matapos anurin ng tubig dahil hindi sumunod sa abiso ng mga kinauukulan na huwag dumaan sa low-lying areas na dahilan ng pagbaha.
Nakilala ang biktima na si Rosendo Guzman, 42 anyos, may asawa na residente ng Brgy. Bayabo East, Tumauini, Isabela.
Sa ngayon ay nagkakaroon na ng force evacuation sa mga pamilyang apektado ng pagbaha.