BANTAY-BAGYO | Typhoon Ompong, sinimulan nang palakasin ang hanging habagat

Nagsimula nang hatakin ng typhoon Ompong ang southwest monsoon o hanging habagat.

Base sa 11PM press briefing ng DOST-PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,005 kilometers silangan ng Virac, Catanduanes.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 205 kilometers per hour at pagbugsong nasa 255 kilometers per hour.


Napanatili nito ang kanyang bilis na 20 kph at kumikilos kanluran – hilagang kanluran.

Ayon kay Weather Specialist Shiella Reyes, hindi pa rin nagbago ang tatahakin nito at inaasahang direktang tatamaan ang Cagayan at Batanes area.

Nakataas pa rin ang tropical cyclone warning signal number 1 sa Catanduanes at Camarines Sur.

Ngayong araw, posibleng itataas na rin ang signal number 1 sa Cagayan, Isabela, Aurora, Quirino, Polillo Islands, Camarines Provinces at Albay.

Hindi rin isinasantabi ng DOST-PAGASA na posible pa ring lumakas ang bagyo lalo at nasa karagatan pa ito.

Maari na ring mag-landfall ang bagyo sa hilagang bahagi ng Cagayan pagdating ng Sabado (September 15).

Pinagbabawalan muna ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na maglayag sa mga lugar na nasa ilalim ng signal number 1 at sa silangang baybayin ng eastern Visayas at Mindanao.

Facebook Comments