Ipinaaalis ni Deputy Speaker Luis Raymund “LRay” Villafuerte sa forms ng Social Amelioration Program (SAP) ang bar codes.
Napuna ng kongresista sa pagdinig ng Committee on Good Government and Public Accountability na bukod sa proseso ng deduplication na nakapagpapabagal sa pamamahagi ng ayuda, lumabas din na ang bar codes ang isa sa mga dahilan ng delay sa validation ng mga benepisyaryo.
Napag-alaman na pito lamang pala ang bar code reader ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at hindi rin naman naiisa-isa ang pagsuri sa naturang mga form.
Diin ni Villafuerte, wala ring silbi ang naturang bar code at nagpapatagal lamang sa proseso kaya’t mas maiging alisin na lamang.
Samantala, tiniyak naman ng DSWD na tuluy-tuloy na ang pag-roll out ng second tranche ng SAP ngayong buwan.
Sinabi ni DSWD Usec. Amy Neri na isinusumite nila agad sa mga partner financial service providers ang bawat deduplicated at validated na beneficiary list na naisumite sa central office ng Local Government Units (LGUs) mula sa first tranche ng listahan kaya mapapabilis na ang pamamahagi ng ayuda.