Cabatuan, Isabela – Pinag-aaralan pa sa ngayon ang taunang pondo sa lahat ng barangay ng Cabatuan, Isabela. Ito ang napag-alaman ng RMN Cauayan News Team kay Vice Mayor, Dr. Mario I. Acosta.
Ayon sa bise mayor, nasa pangalawang review na ang lahat ng mga naisumiteng dokumento ng bawat barangay ngunit hindi pa maaprubahan sa ngayon dahil sa marami umanong paglabag o kwestyonable sa mga papel.
Halimbawa na umano dito ang karagdagang honoraryum ng mga opisyal ng barangay kung saan nakasaad sa patakaran ng DILG na kinakailangang minsan lang sa kanilang termino.
Sinabi pa ni Dr. Acosta na nakita sa mga naisumiteng dokumento na nagkaroon na sila ng dagdag na honorarya sa una at pangalawang taon ng kanilang termino.
Dahil dito patuloy pa rin umano ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa DILG Isabela Provincial Office upang mabigyang linaw ang nasabing usapin.