Cauayan City, Isabela – Nakiisa ang mga lokal na opisyal sa pagsasagawa ng Barangay Assembly Day bilang pagsuporta sa proklamasyon ni Pangulong Duterte sa pagdeklara ng Sabado at Linggo ng Marso at Oktubre bilang Barangay Assembly Days ngayong taong kasalukuyan.
Ito ang ibinahagi ni Engr. Corazon D. Toribio, Provincial Director ng Department of Interior ang Local Government (DILG) Isabela sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan sa kanya.
Aniya, “Barangay Natin, Sama-samang Paunlarin” ang tema ng nasabing pagpupulong ng mga barangay kung saan nasa 1,055 kabuuang barangay ang nasasakupan ng Lalawigan ng Isabela at marami na sa mga ito ang nagsagawa ng pulong nitong mga nagdaang Linggo.
Marami anya ang dapat na pag-usapan sa nasabing assembly na kinabibilangan ng Accomplishment Report; Financial Reports; Mga Programa; Calendar Year at kasama rin ang pagtalakay sa mga bagong ordinansa ng barangay.
Kailangan rin anya na pag-usapan ang tungkol sa kampanya sa iligal na droga, tamang pagbubuklod ng mga basura at pagpapaliwanag sa Batas Kasambahay.
Dapat rin na ipaalam ng mga opisyales ang lahat ng kanilang financial transactions at mga accomplishment ng bawat lupon sa barangay.
Nanawagan naman si PD Toribio sa mga miyembro ng barangay na dapat makiisa sa anumang programa o pulong na kanilang isasagawa.
Samantala, ipinagpaliban muna ang Sangguniang Kabataan Special Election dahil hinihintay pa ang desisyon ng DILG Central Office.