
Sinuspinde ang isang barangay chairman at pitong kagawad ng Barangay Lucanin, Mariveles, Bataan dahil sa kasong abuse of authority.
Ayon sa dokumentong nakalap ng RMN News, nag-ugat ang kaso hinggil sa akusasyon sa ginawang pagpapatibay ng Sangguniang Barangay sa isang resolusyon na nagpahayag ng “no objection” sa aplikasyon ng isang oil company (Jetti Petroleum Inc.) para sa isang foreshore lease agreement kahit wala silang legal na papel sa prosesong ito.
Ang mga sinuspinde ng 15 araw ay sina Barangay Chairman Rito Ando at mga kagawad na sina Liwayway Bacolod,Ruel Dial, Randy Angeles, Glenda Penafiel, Mark Ching Lee Capitan, George Daza, at Jeffrey Lloyd Loyola.
Ang nagsampa ng kaso ay ang Seafront Shipyard Terminal and Services Corporation.
Ayon sa lokal na batas at mga patakaran ng DENR, hindi kailangan ng barangay resolution upang makuha ang foreshore lease agreement sa isang komunidad.
Sa ilalim ng Local Government Code at DENR Administrative Order No. 2004-24, ang DENR lamang ang may kapangyarihan sa ganitong aplikasyon at hindi kinakailangan ang pahintulot o “no objection” ng barangay.
Hindi pa nakapagbigay ng kanilang panig ang mga nasuspindeng mga opisyal.









