*Cauayan City, Isabela-* Nababahala si Brgy. Kapitan Esteban Uy ng District 1, Cauayan City dahil sa mataas na bilang ng mga nagpopositibo sa sakit na dengue na pawang mga residente sa kanyang nasasakupan.
Batay sa datos ng Cauayan City District Hospital, nangunguna ang Brgy. District 1 na may mataas na bilang ng kaso ng dengue na umabot sa dalawampung (20) nagpositibo.
Sumunod ang Brgy. Minante Uno na may labingpitong (17) dengue cases, San Fermin na 11, at Brgy. Minante Dos, San Francisco at Tagaran na may sampung (10) kaso ng dengue ang naitala.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM kay Kapitan Uy, naniniwala siya na hindi sapat ang kanilang isinagawang fogging sa kanilang barangay kung kaya’t importante pa rin aniya na dapat panatilihin ng isang pamilya ang kalinisan sa paligid.
Kaugnay nito ay lagi aniya ang kanilang pagpapaalala sa kanyang nasasakupan at pagbibigay na rin ng mga liftlets upang malaman ang sanhi ng pagkakaroon ng sakit na dengue.
Plano rin aniya ng nasabing barangay na bumili ng sariling fogging machine upang magamit ito ng madalas sa kanilang nasasakupan.