Barangay Health Workers, ipinasasama sa mabibigyan ng Special Risk Allowance

Dumulog si BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co kay Pangulong Duterte na isama rin sa makatatanggap ng Special Risk Allowance ang mga Barangay Health Workers sa bansa.

Ayon kay Co, hindi masasakop ng benepisyo ng RA 11469 ang mga Barangay Health Workers dahil hindi sila kasama sa Magna Carta of Public Health Workers dahil nasa kategorya sila ng mga volunteers.

Umapela din ang Kongresista ng dagdag na kompensasyon sa mga BHW na magkakasakit o masasawi sa COVID-19 habang tinutupad ang tungkulin.


Pinalilinaw din nito sa Department of Budget and Management (DBM) kung may probisyon sa Local Budget Circular 124 na nagbibigay kapangyarihan sa LGUs na magdagdag ng honoraria at allowances ng mga Barangay Health workers.

Sinabi pa ni Co na mayorya ng mga BHWs ay nakakatanggap lamang ng honoraria na P50 hanggang P150 kada buwan.

Facebook Comments