Barangay Matandang Balara, QC, planong magpakawala ng palaka laban sa dengue

Naniniwala ang mga opisyal ng Barangay Matandang Balara, Quezon City na malaki ang maitutulong ng mga palaka upang mabawasan ang mga lamok sa kanilang lugar.

Dahil dito inihayag ngayon ng mga barangay opisyal na muli silang magpapakawala ng palaka sa Barangay Matandang Balara kasunod ng deklarasyon ng outbreak ng nakamamatay na sakit na dulot ng dengue.

Ayon kay Margaret Lipata, secretary ng barangay, napatunayan na nila sa kanilang komunidad na ang mga palaka ay makatutulong para kainin ang mga lamok na nagdudulot ng dengue.

Paliwanag pa ni Lipana na pinakakawalan nila ang mga palaka sa mga creek at mga drainage na pinamumugaran ng mga lamok na posibleng nagtataglay ng naka-mamatay na dengue.

Dagdag pa ni Lipata na nagpatawag na ng emergency meeting ngayong umaga si Brgy. Chairman Allan Franza at isa sa pangunahing tatalakayin ang posibilidad na muling pagpapakawala ng mga palaka.

Giit pa ng opisyal na ang proyekto ng pagpapakawala ng palaka ay unang nagsimula noong 2019, kung saan ang barangay ay nagpakawala ng mahigit 1,000 palaka sa mga kanal at estero sa lugar.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang iba’t ibang clean up drive sa QC para linisin ang mga lugar na maaring pamugaran at itlugan ng lamok.

Batay sa Jan. 1 hanggang Feb. 14 report na inilabas ng QC Epidemiology & Disease Surveillance Division nasa 1,769 na ang tinatamaan ng dengue sa buong lungsod Quezon habang sampu na ang namamatay.

Facebook Comments